CENTRAL MINDANAO – Inilunsad na ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng lokal na pamahalaan ng Midsayap ang bago at modernong sistema ng identification cards (ID) para sa mga senior citizen.
Ayon kay MSWDO-Midsayap head Karl Ballentes na ito ay tugon nila para matiyak ang magandang serbisyo at masigurong hindi maglipana ang mga pekeng senior IDs na nakakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Sa bagong disenyo ng senior IDs, ito ay gawa na sa PVC at may mga security features tulad ng barcoded na personal data at electronic signature ng naturang holder.
Sinabi ni Ballentes ang transition ng bagong IDs para sa mga senior citizen ay dahan-dahang gagawin hanggang sa target nitong matapos sa December 2021.
Samantala, nagpahayag naman ang LGU-Midsayap sa patuloy na suporta para sa mga programang nakalaan sa mga senior citizens ng bayan.