Inamin ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Dir. Renato Solidum na inoobserbahan nila ngayon ang Mt. Apo, matapos ang 6.3 magnitude na lindol kagabi.
Nabatid na bagama’t sa North Cotabato ang epicenter, malakas din ang naramdaman hanggang sa Davao region at iba pang karatig na lugar.
Ayon kay Solidum sa panayam ng Bombo Radyo, titingnan nila kung may abnormalidad sa bulkan hanggang sa mga susunod na araw.
Pero naniniwala itong maliit ang tyansang maapektuhan ang Mt. Apo, dahil matagal na ang nakakaraan mula nang magkaroon ito ng volcanic activity.
Karaniwan aniya na ang tectonic quake ay walang nagiging epekto sa mga bulkan, maliban na lang kung napakalakas nito at dati nang may deposito ng magma.
“Oobserbahan po natin ito para malaman kung talagang nagkaroon ng epekto ang lindol, pero kung sa tyansa ay masasabing mababa ‘yun,” wika ni Solidum.