DAVAO CITY – Ibinunyag ni Davao City Vice Mayor J. Melchor Quitain Jr. ang posibilidad na ideklara ang Mt. Apo National Park (MANP) bilang isang geological monument upang matiyak ang kahalagahan ng konserbasyon nito.
Bahagi ito ng panawagan ni regional director Bagani Evasco ng Department of Environment and Natural Resources Davao Region (DENR-Davao) na lumikha ng local ordinance para ideklara ang MANP bilang isang geological monument.
Kung matatandaan, ipinahayag ng regional director ng naturang tanggapan na nakipagpulong na ang tanggapan kina Vice Mayor Quitain at Davao City Mayor Sebastian Duterte para humingi ng suporta sa lokal na pamahalaan sa naturang plano ngunit hindi na nagbigay ng karagdagang detalye hinggil dito.
Kiumpirma rin ng Bise Alkalde na ang Committee on Environment and Natural Resources ng lungsod sa ilalim ng pangangasiwa ni Konsehal Tek Ocampo na siyang committee chair ng komitiba ang mangunguna sa itatayong site.
Nauna nang ibinunyag ni Evasco na kung sakaling mabigyan ng ganitong pagkilala ang Mt. Apo bilang isang geological monument, ito ay magbibigay ng magandang pagkakataon sa mga geologist, mag-aaral, gayundin sa publiko upang matutunan ang geoligical history ng naturang bundok.
Ibinunyag pa ni Evasco na makatutulong ang lokal na deklarasyon sa kampanya ng DENR-Davao na gawing UNESCO Global Geological Park ang MANP kung saan sakop nito ang Barangay Tungkalan, Sibulan, Tamayong, Manuel Guianga, Tagurano, Eden, Baracatan, Daliaon, Plantation, at Catigan.
Kung ang MANP ay kasama sa listahan bilang isang UNESCO Geopark, kikilalanin ang Mt. Apo bilang isang mahalagang geological heritage site.