-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Bahagyang tumataas ang ilang mga parametro na binabantayan sa Bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon.

Batay sa tala mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nakapag monitor ng nasa 22 na volcano tectonic earthquakes na may lakas na mula sa magnitude 0.1 hanggang magnitude 1.5.

Ayon kay Sorsogon resident volcanologist April Dominguiano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi naman naramdaman sa mga kalapit na bayan ang naturang pagyanig mula sa bulkan dahil mahihina lamang ang mga ito.

Nabatid na nakakapagtala rin ng degassing o mahihina hanggang moderate steaming na lumalabas sa mga butas ng bulkan.

Dagdag pa ng opisyal na mula pa noong Disyembre 2022 ay patuloy na nakikita ang pamamaga sa paligid ng bulkang Bulusan, partikular sa southeastern tract nito.

Ayon pa kay Dominguiano na kahit nananatili sa alert level zero ang status ng bulkan ay posible pa rin na magkaroon ng mga steam driven eruption na maaaring mangyari sa crater area.

Dahil sa panganib ng posibleng volcanic eruption ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4km permanent danger zone subalit nilinaw na maaari pa ring pumasyal sa Bulusan lake dahil nasa labas naman aniya ito ng danger zone.