-- Advertisements --

Nakapagtala ng walong beses na pagbuga ng abo ang bulkang Kanlaon sa nakalipas na 24 oras na observation na isinagawa ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Base pa sa monitoring ng Phivolcs, nagtagal ang ash emissions nang anim hanggang 46 minutes.

Nagbuga din ito ng aabot sa 2,964 tonelada ng asupre sa loob ng isang araw nitong Lunes ng madaling araw, Enero 27.

Naobserbahan din ang 400 metrong taas ng plume, mula sa katamtaman, na napadpad sa timog-kanlurang direksiyon.

Nananatili naman ang pamamaga ng bulkan kung kaya’t patuloy itong itinataas sa alert level 3.

Kaugnay nito, patuloy na inaabisuhan ang mga residente na malapit sa bulkan sa Negros Island na manatiling alerto gayundin ipinapayo ang paglikas sa mga nakapaloob sa 6-kilometer radius mula sa tuktok ng bulkan at ipinagbabawal naman ang pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid sa tuktok ng bulkan dahil sa banta ng biglaang pagsabog nito.