-- Advertisements --

Ipinasa na ng Department of Social Welfare and Development-7 sa Pamahalaang lungsod ng Canlaon at Pamahalaang Panlalawigan ng Negros Oriental ang Mt. Kanlaon operations sa isla ng Negros.

Ito’y matapos ang sunod-sunod na pagpupulong kasama ang local na pamahalaan at ang provincial government noong nakaraang linggo.

Sa halos tatlong buwan mula nang pumutok ang bulkang Kanlaon noong Disyembre 9, nagbigay ng augmentation at suporta sa Canlaon City LGU ang Quick Response Team ng DSWD-7.

Kaugnay nito, nabawasan ang 150 DSWD-7 personnel na nakatalaga sa Negros Oriental at Canlaon City sa humigit-kumulang walong katao sa mga evacuation camp at support personnel sa naturang lungsod.

Inihayag ni Regional Director Shalaine Marie Lucero sa isang panayam na ito’y hindi isang ganap na turnover kundi para payagan ang lalawigan na maranasan ang pamamahala sa mga evacuation camps bilang paghahanda para sa isang posibleng exodus.

Sinabi pa ni Lucero na sa sandaling mangyari ito at magkaroon ng isang malakas na pagsabog, kritikal ang papel na gagampanan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamahala ng mga kampo sa iba’t ibang mga bayan at lungsod kung saan ililikas ang mga residente ng naturang lungsod.

Aniya, sinanay na nila ang mga tauhan ng pamahalaang panlalawigan, gayundin ang mga lgus malapit sa Canlaon City at kumpiyansa itong may kakayahan na sila sa pamamahala ng kampo at pagtugon sa kalamidad.

Samantala, patuloy naman sa pagbibigay ng suporta ang kagawaran partikular sa Food and Non-Food Items (FNFIs).