BACOLOD CITY – Mahigpit na minomonitor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang nagpapatuloy na serye ng lindol sa west lower flanks ng Kanlaon Volcano sa Negros Island.
Nagsimula ang tremor alas-4:03 kahapon ng hapon sa La Carlota City, Negros Occidental na may magnitude 3.7.
Naitala naman ang pinakamalakas na lindol na may magnitude 4.6 ala-1:01 kaninang madaling-araw sa kaparehong lungsod.
Naramdaman ang Intensity V sa Kanlaon City, Intensity III sa Bago City, Intensity II sa Sipalay City, at Intensity I sa Iloilo City.
Sa pinakahuling tala, kabuuang 81 events ang narekord sa Bulkan Kanlaon.
Tiniyak naman ng PHIVOLCS ang publiko lalo na ang mga residente sa paligid ng Kanlaon na tinututukan na nila ang kondisyon ng bulkan.
Samantala, pinayuhan ni La Carlota City Mayor Rex Jalando-on ang mga residente sa pamamagitan ng Facebook post, na kumalma lamang, magdasal at maging alerto kasunod ng serye ng lindol na naitala sa kanilang lugar.