-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Umabot na sa mahigit 10 ektarya ang nasunog sa bahagi ng bundok sa Kabayan, Benguet kung saan ilang barangay na doon ang apektado dahil sa patuloy na pagkalat ng sunog.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PLt. Dalton Mayos, deputy chief of police ng Kabayan Municipal Police Station, sinabi nitong patuloy ang pagtulong nila sa Kabayan Fire Station para masiguro na walang mga residente doon ang lalapit sa mga nasusunog na bahagi ng mga bundok.

Aniya, nagsimula ang forest fire sa Barangay Adaoay hanggang sa kumalat ito sa Barangay Anchokey noong nakaraang linggo pero naapula ito.

Gayunman, muling nabuhay aniya ang sunog dahil sa mga remnants na inilipad mula sa mga una ng nasunog na bahagi ng bundok.

Napag-alaman din sa Kabayan Fire Station na nakarating na ang sunog sa Barangay Babalak, partikular sa ilang bahagi ng sikat na Mount Pulag.

Kinakailangan ding lumapit ang mga bombero sa forest fire para sa man-manong pag-apula sa sunog kasabay ng kanilang pag-monitor sa nasabing insidente na nagdudulot ng makapal na usok sa mga apektadong barangay ng Kabayan, Atok, Buguias at Mankayan maliban pa sa patuloy na pagkasira ng ilang mga ar-arian gaya ng mga taniman, agri-projects, hosepipe at iba pa.

Sinabi pa ni Mayos na kinukumpirma na ng Kabayan Fire Station ang mga report na may mga kabahayan ng nasunog dahil sa nasabing forest fire bagaman wala pang napapaulat na casualties.