Umalma ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa mga natatanggap na banta sa buhay ng kanilang Chairperson na si Lala Sotto.
Karamihan umano sa mga ito ay pag-atake na ipinadadala sa online platform ng kanilang ahensya, habang may iba namang nagpaparating pa ng mensahe sa ibang paraan.
Ayon kay MTRCB Vice Chairman Njel De Mesa, kapansin-pansin ang biglang paglobo ng mga natatanggap nilang mensahe nitong mga nakaraang linggo.
Nakaka-alarma umano ito dahil karamihan ay paninira at pag-atake kay Chairperson Sotto.
Para naman kay MTRCB Executive Director II Atty. Mamarico Sansarona Jr., walang Pilipinong dapat na makaranas ng pang-aalipusta at pagbabanta.
Kaugnay niyan, nagpapasalamat umano sila na hindi nagpapatinag sa ganitong mga pagpuna ang pinuno ng kanilang tanggapan.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng mga opisyal ng MTRCB na patuloy nilang itataguyod ang kanilang mandato, kasabay ng pagtanggap sa mga constructive criticism at open dialogue, para sa mas epektibong industriya ng pelikula at iba pang palabas sa Pilipinas.
-- Advertisements --