Itinanggi ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang umano’y ginagawang pag-rebyu sa kontrobersiyal na pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma” ni Direk Darryl Yap.
Sa inilabas na statement ng MTRCB ngayong Miyerkules, Enero 29, nilinaw nito na hindi totoong kasalukuyang nirerebyu ang pelikula.
Aniya, hindi tinanggap ng MTRCB Registration Unit ang mga materyales na isinumite ng kinatawan ng online streaming service na Pinoyflix dahil hindi ito kumpleto.
Kabilang dito ang 3 dokumento na ipinasusumite ng MTRCB Legal Affairs Division ay ang Certificate o Clearance na walang nakabinbing kasong criminal mula sa Regional Trial Court, ang Certificate o Clearance na walang nakabinbing kasong sibil mula sa Department of Justice at Certificate o Clearance na walang nakabinbing kasong administratibo mula sa Office of the City Prosecutor.
Bilang parte din aniya ng standard review process, nakipag-ugnayan ang Legal Affairs Division ng MTRCB nitong Martes sa distributor para ipaalam ang mga kulang na requirements.
Nanindigan din ang MTRCB na hindi nito ipagsasantabi ang maling impormasyon at anumang paninirang posibleng makasira sa reputasyon at mandato nito na protektahan ang interes ng publiko.
Iginiit din ng ahensiya na kanilang aaksyunan ang anumang sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon salig sa batas.
Una rito, naging kontrobersiyal ang pelikula na hinango sa buhay ng yumaong aktres noong dekada ’80 na si Pepsi Paloma o Delia Dueñas Smith sa totoong buhay kasunod ng inilabas na teaser video ng pelikula noong Enero 1, 2025 kung saan nabanggit ang pangalan ng TV host-actor na si Vic Sotto na agad nag-trending at kumalat sa social media