Nagpaalala ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa lahat ng operators at drivers ng mga pampublikong sasakyan o Public Utility Vehicle (PUV) na tanging rated “G” (General Patronage) at “PG” (Patnubay at Gabay ng Magulang) lamang ang pwedeng ipalabas habang nasa biyahe.
Batay sa MTRCB Memorandum Circular No. 09-2011, kinikilala bilang common carriers o isang sinehan na rin ang mga PUV dahil nagpapalabas sila ng mga pelikula na sakop ng MTRCB.
Sa ilalim ng batas, dapat ay pwede para sa lahat ng manonood, partikular sa mga bata, ang mga pelikulang ipinapalabas sa mga pampublikong transportasyon.
Batay sa Chapter Chapter 3, Section 1-3 ng naturang Memorandum Circular, ang mga PUV ay dapat sumunod sa regulasyon gaya ng pagtalima ng mga sinehan.
Ito ay para matiyak na ang mga pelikula ay angkop para sa lahat ng biyahero at hindi magkakaroon ng negatibong epekto sa mga bata na bumabyahe kasama ang kanilang pamilya.
Mariing paalala ng Board sa mga PUV operators na sumunod sa naturang panuntunan o mahaharap sa parusa ang lalabag batay sa Presidential Decree No. 1986 at Chapter XIII ng 2004 Revised Implementing Rules and Regulations.