Wala umanong nakikitang mali ang Movie and Television Review and Classificication Board (MTRCB) sa pagkakaroon ng Chinese subtitles ng pelikulang Avengers: Endgame sa mga piling sinehan.
Ayon kay MTRCB chairperson Rachel Arenas, dalawang bersyon daw ng pelikula ang orihinal na ibinigay ng distributor sa sinehan — isang may Chinese subtitle at ang isa naman ay wala.
Dagdag pa nito na ang mahalaga raw ay ang pagsunod ng mga sinehan sa rules and regulations patungkol sa parental guiudance ng mga manunuod.
Ngunit ayon dito, dapat ay maayos na ipaalam ng mga sinehan sa kanilang mga customers ang tungkol sa special screenings.
May ilang moviegoers naman na binatikos ang ideyang ito. Ang ilan daw kasi sa kanila ay nakabili na ng ticket bago pa nila malaman na magkakaroon ng Chinese subtitles ang kanilang pinakahihintay na pelikula.
Iginiit naman ng ilang sinehan na ang layunin umano nila sa ideyang ito ay upang itaguyod ang cultural diversity.
Para rin daw ito sa mga foreign-speaking moviegoers na gustong mapanuod ang pelikula na mayroong subtitles.
Una ng inanunsyo ng ilang sinehan na maaaring irefund ng mga manunuod ang nabili nilang ticket kung sakaling ayaw nilang manuod ng may Chinese subtitles.