Alas-6:30 nitong umaga ng umalis ang C-130 cargo plane ng Philippine Air Force (PAF) patungong Zamboanga City kung saan lulan ang nasa 53 na mga pulis na pasaway mula sa NCRPO.
Mula sa 310 na bilang ng mga pulis na mga pasaway na ipapadala sa Mindanao nasa 1/4 na lamang ito na tumalima sa kanilang bagong assignment.
Dismayado si NCRPO chief Director Oscar Albayalde sa ipinakitang ugali ng mga pulis na hindi sumipot.
Kinumpirma rin ni Albayalde na nasa 53 na mga pulis lamang ang tumalima sa kanilang bagong assignment.
Una rito, kahapon sa isinagawang accounting nasa 60 ang nag-report sa out of 153 na ipinatawag ng NCRPO.
Pero nitong madaling araw nasa 53 na lamang ang kabuuan.
Personal na sinupervise ni Albayalde ang pag-load sa mga pulis.
Sinabi ng heneral na ang mga pulis na hindi sumipot ay kanilang kakasuhan ng administratibo.
Kasong serious neglect of duty ang kakaharapin ng mga pulis.
Inihayag din ni Albayalde na bibigyan pa rin nila ng 30 araw ang mga pasaway na hindi tumugon sa kanilang bagong deployment.
Kapag hindi pa sila nag-report ay sisibakin o idi-dismiss na sila sa serbisyo at wala silang makukuhang benepisyo.
Hindi nagustuhan ni Albayalde ang mga ipinakitang attitude problem ng mga nasabing pulis na ayaw umalis sa kanilang comfort zone.
Bago magtanghali ang inaasahang pagdating ng mga pulis sa Zamboanga City sa Edwin Andrews Air Base bago i-deploy sa Basilan at iba pang lugar.