Muling magbibigay ng kanyang talumpati si Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasang Pambansa sa harap ng mga matataas na opisyal ng bansa at iba pang mga bisita mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Sa kanyang ika-apat na SONA, inaasahan na muling ibibida ng Pangulo ang mga achievements ng kanyang administrasyon sa kanyang ikatlong taon sa puwesto at maglalatag din ng legislative agenda para sa mga susunod na buwan at taon.
Sa pagkakataong ito kakaiba sa kanyang madalas na mahahabang talumpati na kung minsan ay inaabot pa ng ilang oras.
Magiging maiksi raw ang speech ni Pangulong Duterte ngayong SONA 2019.
Sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar na kung susundin ni Pangulong Duterte ang script ay maaaring tumagal lang ang SONA nito ng 45 hanggang 50 minuto.
Ilan sa mga inaasahang isasama ni Pangulong Duterte sa kanyang darating na SONA ay ang plano nito kaugnay sa peace and security, poverty alleviation at “Build, Build, Build” program.
Pero batay sa survey na isinagawa ng Pulse Asia noong Hunyo, karamihan sa mga Pilipino ay nais na marinig si Pangulong Duterte ngayong SONA 2019 na talakayin ang usapin hinggil sa pasahod sa mga manggagawa, presyo ng bilihin at pakikitungo ng Pilipinas sa China.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, panahon na para magbigay ng kongkretong mga hakbang ang Pangulo kaugnay sa mga issue na ito.
Makalipas anila ang tatlong taon ay tila hindi pa rin daw natutupad ng Punong Ehekutibo ang mga pangako nito sa publiko kahit pa ilang beses na rin nila itong sinisingil sa mga nakalipas na SONA.
Gayunman, patuloy pa rin daw nilang kakalampagin ang Pangulo at babantayan ang mga hakbang na tinatahak nito para sa bansa.
Bukod sa speech ng Pangulo, isa sa mga inaabangan ng lahat tuwing SONA ay ang patalbugan ng mga politiko, opisyal ng bansa at iba pang mga bisita sa kanikanilang mga kasuotan.
Tinatayang nasa 3,000 guests ang inaasahang personal na manonood sa SONA ni Duterte sa plenary hall ng Batasang Pambansa.
Pero katulad sa mga nagdaang SONA ni Duterte, pinaalalahanan ang mga dadalo rito na uubra na ang simpleng business attire para sa naturang state event.
Inoobliga pa rin naman ang mga mambabatas na magsuot ng Filipina bilang bahagi ng nakaugalian.
Pagkatapos ng kanikanilang rampa sa red carpet, didiretso ang mga bisita sa SONA sa plenary hall at dapat pagsapit ng alas-3:00 ng hapon ay nakapuwesto na ang mga ito bago magbigay ng talumpati ang Pangulo.
Ang mga bisitang ito ay sasalubungin naman ng mga awiting itatanghal ng PhilHarmonic Orchestra bilang bahagi ng programang inihanda ng direktor na si Joyce Bernal.
Dakong alas-3:30 ng hapon inaasahang darating ng Batasang Pambansa si Pangulong Duterte.
Sasalubungin siya ng isasagawang arrival honors sa pangunguna ni Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Benjamin Madrigal Jr gayundin ng sergeant-at-arms ng Kamara at Senado.
Kaagad namang didiretso ang Pangulo kasama ang bagong speaker at senate president sa Legislator’s Lounge, kung saan nakaabang naman ang iba pang lider ng Kongreso.
Ganap na alas-4:00 ng hapon inaasahan na magsisimula ang talumpati ng Pangulo sa loob ng plenaryo.
Dahil sa nangyaring kambal na pagsabog kamakailan sa Sulu, sinabi ni House Sergeant at Arms Romeo Prestoza na direkta silang nakikipag-ugnayan sa mga intelligence unit ng pamahalaan para matiyak ang seguridad sa palibot ng Batasang Pambansa.