Umapela ang Department of Justice (DOJ) prosecutors sa Manila Regional Trial Court para sa muling pag-aresto sa 6 na suspek na inakusahan sa pagdukot ng missing sabungeros noong 2022.
Kinumpirma ni Prosecutor General Anthony Fadullon na pormal na hiniling ng prosecutors ang muling pag-aresto sa mga suspek sa isinagawang pagdinig noong Enero 28, 2025.
Ito ay kasunod ng naging desisyon ng Court of Appeals noong Disyembre 20, 2024 na nagbaliktad ng naunang ruling ng korte sa paggawad ng piyansa.
Kabilang sa muling pinaaaresto sina Julie Patidongan, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Roberto Matillano Jr., Gleer Cordilla at Johnny Consolacion.
Una rito, nag-ugat ang kaso matapos na mapaulat ang pagkawala ng 6 na indibidwal sa Manila Arena noong 2022. Ang mga biktima ay kabilang sa 34 na missing sabungeros simula noong 2021.