VIGAN CITY – Mabubuksan na ang turismo sa Vigan City ngunit kinakailangang kontrolado pa rin ang pagbabalik operasyon ng mga accommodation establishment na tinutuluyan ng mga turistang dumarating sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay City Tourism Officer Edgar Dela Cruz, bago umano mabubuksan ang operasyon ng mga nasabing establishment ay kinakailangang kumuha muna sila ng certificate na galing sa Department of Tourism (DoT) bilang patunay na sila ay pinahihintulutan na ang kanilang operasyon gayundin ang pagsusumite nila ng letter of intent na nagpapakita na nais na nilang magbukas.
Ipinaliwanag din ng opisyal na 50 percent capacity lamang ang operasyon ng mga establishment dahil kinakailangan umanong limitado ang mga turista gaya na lamang ng bawat kuwarto sa mga hotels o transient homes sa syudad.
Ngayong umaga ipapatawag ang mga nagmamay-ari ng mga nasabing establisyemento para sa isang pagpupulong kung saan tatalakayin ang mga guidelines.