-- Advertisements --

LEGAZPI CITY -Naghahanda na ang Matnog port para sa inaasahang dagsa na naman ng mga pasahero kasabay ng pagtatapos na ng Semana Santa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, simula sa Lunes inaasahan na ang pagdami na naman ng mga dadating na pasahero mula sa Visayas at Mindanao na pabalik na sa Manila.

Dahil dito kanselado pa rin ang leave ng mga tauhan ng pantalan upang pagsilbihan ang mga dadating na pasahero.

Mahigpit rin ang ipinatutupad na seguridad sa tulong ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard at iba pang mga ahensya ng gobyerno.

Sa pagtataya ng opisyal umaabot sa 25,000 ang mga pasahero na dumaan sa pantalaan ngayong Holy Week.

Ipinagpapasalamat naman nito na walang naitalang insidente sa pantalan ngayong linggo.

Samantala payo naman nito sa mga pasahero na sumunod sa mga ipinatutupad na alituntunin kagaya ng mga dapat at hindi dapat na dalhin upang hindi maabala sa pagbiyahe.