VIGAN CITY – Umani ng iba’t ibang reaksyon sa ilang mga kongresista ang muling paghahain ng panukalang maibalik ang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) para sa senior high school sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa buong bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, sinabi nito na hindi umano makatarungan na sa murang edad pa lamang ay maturuan na ang mga kabataan sa paghawak ng armas.
Aniya, kung maibabalik ang mandatory ROTC, matuturuan lamang umano ang mga kabataang maging marahas at mas lalong mailalapit sila sa iba’t ibang klase ng pag-abuso kagaya na lamang ng hazing.
Samantala, ayon naman sa mismong naghain ng panukala na si Deputy Speaker Raneo Abu, mahalaga umanong maaga pa lamang ay maimulat na sa kabataan ang pagiging disiplinado at makabayan nila.
Tiniyak ni Abu na walang mangyayaring pag-abuso sa mga kabataan sa pagsailalim nila sa military training, kagaya na lamang ng hazing na siyang ikinakatakot ng mga kritiko ng nasabing panukala.
Maaalalang sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-apat na State of the Nation Address ay tiniyak nito na maipapasa sa 18th Congress ang panukalang batas hinggil sa mandatory military training.