-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang muling pagkabilang sa isla ng Boracay sa Top 10 “Favorite Islands in the World 2023” list ng Travel + Leisure Magazine.

Ito ay matapos na nakakuha ang pamosong isla ng score na 92.94% dahilan para mahanay sa ika-sampung pwesto.

Inihayag ni Malay Sangguniang Bayan member Alan Palma na positibo silang mas pang makahikayat ito ng maraming turista mula sa iba’t ibang bansa sa mundo.

Ilan sa mga nakikita nitong dahilan kung kaya’t patuloy na nangingibabaw ang Boracay bilang isa sa mga paboritong puntahan na isla ng mga dahuyan ay ang maayos na sistema upang magkaroon ng magandang experience ang mga ito, mabilis na pagtugon sa problema ukol sa implementasyon ng ordinansa, pananatili ng kalinisan sa baybayin, pagsaayos ng mga kalsada at transportation system.

Tiwala ang LGU na makadagdag ito ng inspirasyon at motibasyon sa lahat ng mga namamahala sa Boracay upang mas pang pagbutihin ang pag-aalaga sa isla.

Ang muling pagkilala ng Boracay ay bunga ng kooperasyon, suporta at disiplina ng iba’t ibang sektor.