DAVAO CITY – Magiging mahipit ang ipapatupad na seguridad sa idadaos na 86th Araw ng Dabaw sa susunod na buwan matapos idinaos na simulation exercises kon SIMEX noong gabi ng ika-20 ng Pebrero.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Davao kay Lieutenant Colonel Darren Comia, commander ng Task Force Davao, Ikinasiya ng hukbo ang 9.0 rating na resulta ng nailunsad na SIMEX.
Aniya, malaking bagay ang naging resulta ng naturang simulation dahil napag-ensayuhan na rin nila ang kanilang mga natututuhan sa mga nagdaang SIMEX.
Ngunit ibinunyag rin ng opisyal na may iilan pang mga bagay na kailangang iensayo sa naging pagresponde ng mga safety and security units ng lungsod lalo na sa unpredictability ng mga untoward incidents na maaaring mangyari dito sa Davao City.
Samantala, inilahad rin ni Comia na malaking bagay ang pagbibigay-alam ng taumbayan sa mga security personell ng mga kahina-hinalang kagamitan o personalidad na bahagi ng ipinatutupad na culture of security sa Davao City.
Katunayan sa nangyaring SIMEX, dalawang bomba ang patagong nailagay sa dalawang magkaibang lugar sa lungsod na kadalasang dinadagsa ng mga tao.
Ayon kay Comia, nananatiling buhay ang culture of security sa lungsod dahil naiulat ito ng isang security guard.
Ngunit matagumpay namang nakalusot ang isa pang bomba na kalauna’y pinasabog ng explosive team.
Aniya’y naging malaking aral ito sa iba pang mga security personnel malapit sa pinagsabugan ng bomba.
Inaasahan na ang mga susunod pang mga SIMEX dito sa Davao City na magpapalerto sa mga Dabawenyo maging mga security forces ng lungsod.
Maliban sa SIMEX, mahigpit na ring binabantayan ang mga border control ng Davao City sa inaasahang dagsa ng mga makikisaya sa pagdiriwang ng Araw ng Dabaw sa susunod na buwan.