LEGAZP CITY – Nangako ang lokal na pamahalaan ng Camalig sa Albay na hindi sila titigil hanggang makuha at tuluyang matagpuan ang mga sakay ng bumagsak na Cessna 340 plane noong Pebrero 18, matapos na magtake off mula sa Bicol International Airport sa Daraga, Albay.
Ito ay matapos mamataan na ang wreckage ng nawawalang aircraft sa itaas na bahagi ng Brgy. Quirangay sa naturang bayan, partikular na sa Anoling gully.
Nasa humigit-kumulang dalawang kilometro lamang ang layo nito sa Incident Command Post (ICP) ng Forest Rangers o 350 meters ang distansya mula sa bunganga ng bulkang Mayon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig Information Officer Tim Florece, nakahanda ang mga rescuers at naghihintay lang ng ”go signal” oras na muling ipagpatuloy ang isasagawang search and rescue operation.
Aminado ito na pahirapan ang magiging operasyon dahil delikado kasi ang lugar na nasa loob ng 6 kilometer permanent danger zone at kasalukuyang nasa alert level two ang palibot ng bulkang Mayon, na sinasabayan pa ng sama ng panahon.
Sa kabila nito, desido pa rin ang mga rescuers sa gagawing paghahanap sa apat na sakay ng eroplano sa pag-asang may buhay pa sa mga ito.
Samantala sa isinagawang press briefing kahapon, humingi na ng tulong si Camalig Mayor Caloy Baldo na siyang Incident Commander ng search and rescue operations sa national government upang mabigyan ng mga gadget na maaaring makatulong sa kanilang paghahanap upang mas malinaw na makita ang bumagsak na eroplano at makumpirma ang kasalukuyang sitwasyon nito.
Maging ang tulong ng mga mountaineers ay hiningi na rin dahil kabisado ng mga ito ang pag-akyat sa Bulkan, subalit nakadepende pa rin sa lagay ng panahon ang gagawing operasyon.
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung kailan ito muling masisimulan dahil kailangan pa na makipag-ugnayan sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).