KALIBO, Aklan – Pagmumultahin na ang mga lumalabas ng bahay na walang suot na face mask sa lalawigan ng Aklan.
Ipinasa na ng Sangguniang Panlalawigan ang ordinansa na nag-aatas sa mga residente na magsuot ng face masks tuwing lalabas ng kani-kanilang mga bahay.
Sa ilalim ng Ordinance No. 2020-006, lahat ng mga tao sa buong nasasakupan ng lalawigan ay kailangang nakasuot ng face masks upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang mga residente at manggagawa na walang masks ay maaaring gumamit ng panyo, ear-loop masks, scarfs, cloth masks o do-it-yourself (DIY) masks.
Samantala, ang mga unang beses na makalalabag sa ordinansa ay sasawayin muna, subalit sa ikalawang offense ay papatawan na ng multang P1,000 o limang oras na community service habang P2,000 o walong oras na community service sa third offense at kasunod na pagkakasala.
Sa kabilang dako, pagmumultahin naman ang mga commercial establishments na magpapasok ng customer na walang suot na face masks ng P5,000 sa bawat paglabag.