Tuluyan nang pumanaw ang premyadong aktor na si Eduardo “Eddie” Garcia.
Sa inilabas na medical bulletin ng Makati Medical Center, binawian ng buhay ang 90-year-old veteran actor kaninang alas-4:55 ng hapon.
Nabatid na halos dalawang linggo ring nag-agaw buhay si Manoy sa intensive care unit ng nasabing ospital matapos napatid sa cable wire sa gitna ng taping sa Maynila.
Dito ay napuruhan ang kanyang cervical spine na nauwi sa kanyang pagka-comatose simula nitong June 8.
Kahapon ay bahagyang nabuhayan pa ng loob ang mga fans ni Eddie matapos magpagkita ng “minimal brain activity” sa isinagawang electroencephalogram study ng kanyang mga doktor.
Pero nakasaad din na dedepende pa rin si Manoy sa ventilator upang makahinga at sa iba pang medikasyon na kailangan para sa kanyang blood pressure.
Dahil dito ay naging limitado ang mga pinapayagang makabisita kay Garcia.
Una nang pumirma ang pamilya sa do-not-resuscitate (DNR) waiver na nangangahulugang pagpapanatili pa rin sa life-support ni Manoy pero kapag inatake sa puso ay payag sila na huwag na itong i-revive.
Bago rin sumakabilang-buhay si Eddie, nakasungkit pa ito ng best actor award sa Gawad Urian nito lamang nakaraang araw para sa pagganap nito sa Martial Law themed na “ML.”
Nabatid na nahawakan naman ni Tito Eddie ang kanyang huling parangal kasama ang rosary matapos dalhin ni Direk Benedict sa ospital ang naturang trophy.
Sa ngayon ayon kay Dr. Tony Rebosa, ang tagapagsalita ng pamilya ni Eddie, wala pang detalye hinggil sa magiging libing ni Eddie dahil patuloy pa ang pag-asikaso ng naulilang pamilya sa labi nito.
Si Eddie ay mayroong partner of 33 years na si Lilibeth Romero, ina ni One Pacman Party-list Rep. Mikee Romero, at sinasabing may anak na nakabase sa California na nagngangalang Lisa Ortega.