ROXAS CITY – Nagpapasalamat ang multi-awarded director at screenwriter na si Eduardo Roy Jr., matapos itampok ng streaming service na Netflix ang dalawa sa kanyang critically-acclaimed films ngayong Hunyo.
Ang 2016 Cinemalaya Best Film na “Pamilya Ordinaryo” at ang 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino Best Picture na “Lola Igna” ay kabilang sa limang napili ng Netflix para ihandog sa kanilang subscribers.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Direk Roy, inamin nito na napakahirap makapasok ng mga independent films sa naturang international streaming site kaya masaya siya na maipagmalaki ang obrang Pinoy sa mas malaking film platform.
“Unang-una, nakakatuwa kasi hindi lang ‘yung pelikula ko ang natanggap ng Netflix. ‘Yung klase ng pelikula ko kasi is ‘yung tinatawag nating independently-produced. May mga pelikulang Pilipino sa Netflix pero karamihan doon ay mainstream. Medyo mahirap talagang makapasok ang katulad ng pelikula na ginawa ko na ‘Pamilya Ordinaryo’ at ‘Lola Igna’ sa Netflix. I’m very happy kasi ang ganda ng feedback,” saad ng direktor.
Ikinagagalak din daw nito na unti-unti ay tinatanggap na ng sikat na platform ang mga likha ng indie directors.
“Padami na ng padami ang mga pelikulang tinatanggap ng Netflix na mga independently-produced films,” dagdag ni Direk Roy.
Kasabay nito ay hinikayat niya na patuloy na suportahan ang likha ng mga Pilipino lalo na ang mga indie films.
“Sana tangkilin niyo ang Pelikulang Pilipino. Panuorin niyo po ang mga pelikula, hindi lang yung dalawang pelikula ko, kundi yung mga Filipino films na hinain ngayong Hunyo.”
Samantala, kabilang pa sa limang Filipino indie films na napiling itampok ng Netflix ay ang “Pinoy Sunday”, “Sunod” at “UnTrue.”