Tinanggal na ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang plano ang pagsasagawa ng dalawang araw na botohan sa halalan sa susunod na taon.
Ayon kay Comelec Chairman Sheriff Abas, kabilang sa mga nakikita niyang rason ay dahil sa kawalan na ng oras para amiyendahan ang 1987 Constitution.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, isasagawa ang national at local elections kada ikalawang Lunes sa buwan ng Mayo at isang araw lamang ang botohan.
Maliban dito, mayroon din umanong problema sa budget kaya naman malabo nang magsagawa ang Comelec ng multi-day na pagboto ng mga botante sa susunod na halalan.
Samantala, ayon naman kay Comelec Spokesman James Jimenez, posibleng nasa 200 hanggang 300 ang maghahain ng certificates of candidacy (COCs) para sa 2022 elections.
Ang naturang bilang ay base na rin sa mga naghain ng CoC noong 2019 elections.
Una rito, sinabi ni Comelec executive director Bartolome Sinocruz Jr. na isasagawa ang filing ng CoC sa isang tent sa Sofitel Hotel sa Pasay City sa halip na sa Comelec headquarters sa Intramuros, Manila.
Sinabi ni Jimenez na dahil sa dami ng potential candidates ay kailangan nilang ilipat ang filing ng CoC sa mas malawag ka venue.
Samantala, nasa 6 million registered voters na na-deactivate dahil sa hindi pagboto ng dalawang magkasunod na halalan ang ire-reactivate ng Comelec.
Hindi na raw kailangang personal na magtutungo pa ang botante sa local Comelec office para mag-apply ng reactivation.
Sa Facebook post, sinabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na ang online reactivation ng voter registration ay magiging available na ngayong Setyembre.