Kinumpirma ng Department of Agriculture na nakapasok na ang African Swine Fever sa lalawigan ng Antique, ang noo’y last province standing sa Western Visayas.
Base sa clinical laboratory report ng ahensya, apat sa limang serum samples na ipinasa ng Provincial Veterinary Office sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory ang nagpositibo sa naturang hog disease.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Antique Governor Rhodora Cadiao, sinabi nitong naitala ang naturang mga kaso sa bayan ng Hamtic kung saan umabot na sa higit 1,300 na mga baboy ang namatay sa 22 na mga barangay na katumbas ng higit P11-million na damage.
Ang naturang bayan ay may higit-kumulang 9,000 na hog population.
Ayon kay Cadiao, plano ng naturang local government unit na isailalim na ang bayan sa state of calamity.
Ayon pa sa gobernador, nag-release na ang lalawigan ng P1-million para sa reinforcement ng border control mula sa Hamtic papunta sa ibang mga bayan.
Napag-alamang bago ang kaso ng African Swine Fever sa Antique, dito pa umano kumukuha ng suplay ng baboy ang traders para sa National Capital Region, Cebu, at Mindanao.