Pinabubusisi ni Senate Migrant Workers Chairperson Raffy Tulfo ang napaulat na multi- million illegal recruitment scheme na binibiktima ang mga Pinoy na nagbabalak magtrabaho sa Italy.
Ayon kay Tulfo, nakarating sa kanyang tanggapan ang kawalan ng aksyon ng konsulado ng Pilipinas sa sumbong ng ilang biktima ng naturang recruitment scam.
Kaya naman naghain ng resolusyon ang Senador kasunod ng mga ulat na daan-daang biktima ang natangayan ng pera ng consultancy firm na Alpha Assistenza SRL.
Sinabi ni Tulfo, ayon sa mga biktima ng OFW, nagbayad sila sa Alpha Assistenza ng hindi bababa sa 2500 euros o P120-K habang ang ilan sa kanila ay umamin na nagbayad ng kabuuang 5780 euros o mahigit P347-K sa paniniwalang makakukuha sila ng trabaho sa italy.
Nagsampa na ng pormal na reklamo ang 68 complainants sa Department of Justice habang inalerto ng embahada ng Pilipinas sa Italy ang Public Prosecutors Office sa Roma, ang SUI, ang Questura at ang Italian Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation ng umano’y large-scale fraud.
Sa paghahain ng resolusyon, binigyang-diin ni Tulfo na oras ng rebisahin ang mga polisiya at mga batas sa illegal recruitment upang masawata na sa hinaharap ang ganitong uri ng pambibiktima sa mga Pilipino.