KALIBO, Aklan—Tinatayang aabot sa P43 milyon pesos ang iniwang pinsala nang masunog ang isang multi purpose center sa Barangay Bulwang, Numancia, Aklan.
Nangyari ang insidente dakong alas-9:00 ng umaga, araw ng Miyerkules kung saan, naabo ang mga nakahanay na tenant gaya ng Japan surplus shop, isang multi-purpose cooperative at motorcycle dealer.
Gawa sa mixed materials ang nasabing multi purpose center kung kaya’t mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa 3rd alarm ang sunog.
Kasama sa nagresponde sa lugar ang mga fire truck ng Bureau of Fire Protection ng bayan ng Numancia, Kalibo, Balete, Banga, New Washington at iba pa.
Ang istraktura ay nasa 8,000 square meters ang lapad at pinagmamay-arian ng pamilya Beltran.
Sa kabilang dako, inihayag ni Glenn Arguelles, branch manager ng Barbaza Multi-Purpose Cooperative na wala aniyang dapat ikabahala ang kanilang mga kliyante dahil sa nailigpit lahat ang kanilang mga records.
Wala aniyang nasaktan o namatay sa insidente na kasalukuyang iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection Numancia.