BACOLOD CITY – Sang-ayon ang Filipino jins sa mungkahi na gawin na lang online ang mga poomsae tournaments bilang bahagi ng “new normal”.
Una nang iminungkahi ni Philippine Taekwondo Association (PTA) secretary-general at Olympian Monsour del Rosario ang pagsasagawa ng online tournaments dahil hindi pa ligtas ang pagsasagawa ng full-contact taekwondo.
Sa panayam ng Star FM Bacolod kay former taekwondo world champion Ernesto Guzman Jr., patunay umano siyang magandang paraan sa ngayon ang pagsasagawa ng online tournaments kung saan safe siyang nakasali at nakapagbulsa ng gold medal sa katatapos lang na Online Daedo Open European Poomsae Championships.
Hindi magiging maganda ang epekto sa kanilang mga atleta na wala silang mga laban dahil dapat ay lagi silang makakapag-ensayo na talagang kailangan ng kanilang mga katawan.
Kung maalala, tatlong Pinoy na ang nakakuha ng gold medals sa kauna-unahang international online Teakwondo tournament na kinabibilangan ni Guzman at mag-amang June at Jocel Ninobla.