-- Advertisements --

Pag-aaralan umano ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mungkahi ng business community sa Pilipinas na payagan na ang lahat ng mga industriya na ituloy ang 50% ng kanilang operating capacity pagkatapos ng umiiral na enhanced community quarantine.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, tinitingnan nila at maging ng Inter-Agency Task Force kung magiging epektibo ba ang naging suhestyon ng business tycoon na si Tessie Sy-Coson.

Nagbaba na rin aniya ng kautusan sa kanila si Executive Secretary Salvador Medialdea para pag-aralan ang mungkahi.

Maliban dito, sinabi ni Bello na patuloy ang ginagawa nilang pag-aaral sa tinatawag na Post COVID-19 Recovery Plan kung saan susuriin nila ang mangyayari sa employment sa oras na matapos na ang coronavirus crisis.

Sa naging pahayag ni Coson, sa oras na payagan nang mag-operate ang kalahati ng labor workforce, magbibigay-daan ito para madagdagan pa ang employment.

Malaking tulong din aniya ito para sa mga pauuwiing overseas Filipino workers na mabibigyan ng trabaho ang mga ito sa pagbabalik nila sa bansa.

“Employment is also the key to the health of their family by having enough food for their own immunity and the key to the health of our economy,” wika ni Sy-Coson.