Pag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang suhestyon ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) sa pamahalaan na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase hanggang Disyembre para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan, nagkaroon na ng konsultasyon sa mga opisyal ng kagawaran, maging sa kanilang mga partners at stakeholders hinggil sa nasabing paksa.
Binubusisi na rin aniya nila ang mga inilahad na mga patunay, maging ang mga datos na ipinakita ng mga UP experts.
Umaasa naman ang ahensya na kokonsultahin sila ng mga eksperto at hindi pangungunahan ang anumang pasya ukol dito.
“We are looking closely at facts and evidence, including theirs. We hope the UP experts would not preempt this decision [without] even checking [with DepEd],” saad ni Malaluan.
Una rito, sa isang briefing nitong Martes, sinabi ni UP Resilience Institute executive director Mahar Lagmay na batay sa model na inihanda ng UP COVID-19 Pandemic Response Team, lumalabas na pinakamataas ang social interaction ng taong nasa edad 0 hanggang 19 o 56 percent.
Sumunod naman ang mga nasa edad 20 hanggang 39 (29%), 40 hanggang 59 (13%) at 60 pataas (2%).
“Base doon sa mga models, kapag walang klase hanggang December ay malaki po ang maibabawas natin sa transmission ng COVID-19,” wika ni Lagmay.
Tugon naman ni Presidential spokesperson Harry Roque, wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa mungkahi ng UP.