ILOILO CITY – Bukas si Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III sa mungkahi ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na ibalik ang anti-dengue vaccine.
Pero sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Duque, sinabi nito na kailangan ng malalimang pag-aaral at pananaliksik bago gamitin muli ang kontrobersyal na dengvaxia.
Ayon kay Duque, walang masama sa mungkahi ni Garin dahil maliban sa dengue hemorrhagic fever, ang kagat ng lamok ay maaaring magresulta sa zika, chikungunya at malaria.
Naniniwala rin ang kalihim na kailangang pagbutihin ang pananaliksik upang masugpo ang lumalalang kaso ng dengue.
Samantala, pormal nang idineklara ng Iloilo City Council kaninang umaga ang state of calamity sa Iloilo City dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa lungsod kung saan siyam na ang patay.
Una nang nagdeklara ng state of calamity noong nakaraang linggo ang Iloilo Province dahil rin sa dengue kung saan 24 na ang patay.