Nilinaw ng Malacañang na walang hiwalay na kasunduang bubuuin ang gobyerno at Moro National Liberation Front (MNLF).
Sinabi ni Executive Sec. Salvador Medialdea, ito ay isa lamang “gentlemen’s talk” nina Pangulong Rodrigo Duterte at MNLF founding chairman Nur Misuari.
Magugunitang may nauna nang kautusan si Pangulong Duterte kina Interior Sec. Eduardo Año at Defense Sec. Delfin Lorenzana na gumawa ng draft agreement para sa MNLF.
Pero ayon kay Sec. Medialdea, hindi maaaring magkaroon ng ikatlong uri ng gobyerno dahil baka hindi matapos ang rebelyon sa Mindanao.
Inihayag ni Sec. Medialdea na gusto lamang ipalatag ni Pangulong Duterte ang mga mungkahi para magiging mas katanggap-tanggap sa kampo ni Misuari ang Bangsamoro Organic Law (BOL) na pinangangasiwaan ngayon ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).
Kaugnay nito, muli umanong maghaharap at magpupulong sina Pangulong Duterte at Misuari para plantsahin ang mga mungkahing ito na ipasasailalim sa umiiral na Bangsamoro Organic Law.