-- Advertisements --

Inirekomenda ni House Committee on Labor and Employment Chairman Eric Pineda sa pamahalaan na isabay sa pagsusulong nang pagpapatupad ng 4-day work week ang minimum wage hike.

Kasunod na rin ito nang suhestiyon ni National Economic Development Authority (NEDA) Sec. Karl Kendrick Chua na gawing apat na araw na lamang ang trabaho ng mga manggagawa sa loob ng isang linggo para matulungan din sila na mabawasan ang kanilang mga gastusin sa harap nang ilang serye nang oil price hikes.

Sa pagtatanong ng Bombo Radyo, sinabi ni Pineda na hindi sasapat para sa mga gastusin ng isang pamilya ang kasalukuyang minimum wage ng mga manggagawa, lalo pa at kasabay nang pagsirit ng presyo ng langis ang pagmahal naman ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Samantala, ngayong araw ay nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang komite ni Pineda para himukin ang National Wages and Productivity Board na magpatupad sa lalong madaling panahon ng nationwide minimum wage increase.