Nanindigan si Sen. Risa Hontiveros na kailangan pa ring maimbestigahan sa lehislatura ang umano’y maanomalyang joint venture ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at ng isang Malaysian firm para sa pagtayo ng mga sports facilities na ginamit noong 2019 Southeast Asian Games.
Ito’y makaraang ihayag ni Senate President Vicente Sotto III na ang Office of the Ombudsman ang dapat na sumiyasat sa nasabing isyu.
Ayon kay Hontiveros, dapat manghimasok ang Kongreso para magbigay linaw at maiwasan ang mga proyektong ginagawang joint ventures upang hindi na dumaan sa mga requirements ng public bidding.
“Huwag nating daanin sa pagdadabog o ipasa na lang basta-basta sa Ombudsman. Dapat itong imbestigahan dahil napakaraming bahid na nadehado tayo, at para maisaayos at mabigyang-linaw ang batas ukol sa mga Joint Venture,” saad ni Hontiveros sa isang pahayag.
“The Senate should not be prevented from doing its job.”
Hindi rin aniya dapat pangunahan ang magiging pasya ng mga pinuno ng Senate blue ribbon at Sports committees, kung saan ini-refer ang kanyang Senate Resolution No. 567.
“It should be left to their sound judgment as to when and how an inquiry should be conducted,” dagdag nito.
Nitong nakalipas na linggo, sinabi ni Hontiveros na hindi raw nagbayad ng kapital ang Malaysian firm na MTD Capital Berhad para sa mga sports facilities sa ilalim ng kanilang joint venture ng BCDA.
Paliwanag pa ng mambabatas, ang proyekto ay pinondohan ng pautang na kinuha ng nasabing kompanya sa Development Bank of the Philippines isang bwuan matapos itong lumagda sa joint venture deal nito sa BCDA.
Dagdag ng senadora, kalaunan ay ginamit umano ng BCDA ang kaban ng bayan para bayaran ang loan ng MTD.
Samantala, sa panig naman ng BCDA, iginiit nila na lehitimo ang kanilang kasunduan sa MTD.
Batay din aniya sa payo ng Asian Development Bank, mas makikinabang daw ang gobyerno sa isang joint venture agreement para sa konstruksyon ng mga sports facilities.