Nanindigan ang Department of Health (DOH) na nananatiling nasa “safe zone” ang Cebu City at hindi na kinakailangan pang ilagay sa lockdown kahit pa nahigitan ng bilang ng mga bagong COVID-19 cases ang recovery rate sa nakalipas na tatlong araw.
Tugon ito ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire sa mungkahi ni Cebu City Councilor Joel Garganera na ilagay sa lockdown ang siyudad sa katapusan ng buwan kung ang mataas pa rin ang mga bagong kaso kaysa sa recovered cases.
Giit ni Vergeire, bagama’t may kapangyarihan ang mga local government units na magpasya kung dapat ba nilang ilagay sa lockdown ang kanilang nasasakupan, dadaan pa sa ito sa masusing evaluation na hindi lamang nakadepende sa case count.
“Bago po mag-lockdown, dapat po may adequate basis. For the last two weeks po kasi, the COVID cases in Cebu City decreased by 23%,” wika ni Vergeire sa isang online briefing.
“Ang average daily attack rate po nila ay less than one per 100,000 of the population, kaya hindi po ito nagwa-warrant ng lockdown. Ang nakikita po natin, they are well within that range of a safe zone,” dagdag nito.
Maliban dito, sinabi ni Vergeire na nasa 24% ang critical care utilization sa Cebu City, na ibig sabihin ay nasa manageable level ang bilang ng mga COVID-19 cases.
“Kailangan po natin tingnan ang totality ng sitwasyon,” ani Vergeire.