TACLOBAN CITY – Patay ang municipal administrator ng San Isidro, Leyte, matapos ang nangyaring pamamaril sa harap ng bahay ng alkalde ng nasabing bayan.
Kinilala ang nasawing biktima na si Levi Mabini, nasa hustong taong gulang.
Maliban sa namatay, apat na bystanders ang pinaniniwalaang sugatan sa insidente.
Ayon kay Pol. Capt. Edgar Octaviano, tagapagsalita ng Leyte Police Provincial Office, sa ngayon ay patuloy pa ang kanilang masusing imbestigasyon at operasyon upang matukoy kung sino ang nasa likod ng insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, papunta ang biktima sa bahay ng kanilang alkalde na si Mayor Susan Ang nang barilin ng hindi pa nakikilalang suspek na lulan ng isang Ford ranger.
Kabilang tuloy sa inaalam ng mga otoridad ay kung may kinalaman ang pangyayari sa politika at sa nalalapit na eleksyon.
Nabatid na ang biktimang si Mabini ay dating staff ni Board Member Piamonte at Allan Ang na asawa naman ng alkalde ng San Isidro, Leyte.
Ito na ang pangatlong insidente ng pananambang sa San Isidro kung saan- una ay ang pamamaril sa kapatid ng isang mayoralty candidate na masuwerteng nakaligtas noong nakaraang linggo.