CENTRAL MINDANAO-Patay on the spot ang isang Comelec Officer sa pananambang sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Nakilala ang biktima na si Haviv Macabangen Maindan,Municipal Comelec Officer ng Sultan sa Barongis Maguindanao Del Sur habang nakaligtas ang kasama nito na si Rolly Dilangalen.
Ayon kay Lambayong Chief of Police Captain Jetro Doligas na lulan ang mga biktima sa isang Toyota Fortuner mula sa bayan ng Sultan sa Barongis papauwi na ng kanyang tahanan sa Buluan Maguindanao Del Sur ngunit pagsapit nila sa bahagi ng Purok Libas Barangay Pinguiaman, Lambayong Sultan Kudarat ay bigla itong pinagbabaril ng mga hindi kilalang suspek.
Nakaganti pa ng putok ang escort ni Maindan na si Dilangalen sa mga nanambang sa kanila.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng Sultan sa Barongis Maguindanao Del Sur.
Nahulog ang sasakyan sa tubigang bahagi sa gilid ng national highway at on the spot na nasawi si Maindan ng magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan habang nakaligtas si Dilangalen.
Hustisya naman ang sigaw ng pamilya at mga kasamahan sa trabaho sa sinapit ng biktima.
Anggulong may kinalaman sa trabaho ng biktima ang sinusundang motibo ng pulisya sa kanilang imbestigasyon sa pananambang patay sa Comelec Officer.