Arestado ang isang municipal councilor sa isinagawang anti-illegal drug operations ng mga tropa ng militar, PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Miyerkules ng madaling araw sa Balabagan, Lanao del Sur.
Sa report na inilabas ng 6th Infantry Division at PNP-ARMM, isinagawa ang operasyon batay sa search warrant na inisyu ng korte laban sa mga suspek.
Nakilala ang naaresto na si Abedin Disalongan, municipal councilor sa nasabing bayan.
Nakuha sa posisyon ng opisyal ang 50 grams na hinihinalaang shabu, isang M16 rifle, dalawang .9mm pistols at isang Toyota Hilux.
Sa isa pang operasyon na inilunsad ng mga otoridad, nakatakas naman sa kanilang bahay ang mag-asawang Billy Jack Ogca at Aileen Disalongan Ogca.
Nakuha sa bahay ng mag-asawang Ogca ang 60 gramo ng shabu, digital weighing scale ilang mga dokumento sa bangko.
Tiniyak naman ni 6th Infantry Division commander at Joint Task Force-Central chief BGen. Cirilito Sobejana, palalakasin ng militar ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga para matuldukan na ang illegal drug trade sa Central Mindanao.
Sa kabilang dako, ayon naman kay PRO-ARMM regional police director C/Supt. Graciano Mijares, kasalukuyang nakakulong at patuloy na isinailalim sa imbestigasyon ang suspek na opisyal ng local government ng Balabagan.
Nagpapatuloy ang manhunt operations laban sa mag-asawang Ogca.