-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hinuli ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CDIG)-10 ang isang municipal councilor ng bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.

Ito’y dahil sa pag-iingat ng mga matataas na kalibre ng armas na walang kaukulang dokumento.

Kinilala ni CIDG-10 Reg Dir Lt. Col. Reymund Liguden ang suspek na si Tagoloan Municipal Councilor Roger Achas.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Liguden na kanilang inaresto si Achas sa pamamagitan ng search warrant.

Nakuha mula sa kaniya ang dalawang (2) .45 caliber pistol at isang (1) KG sub-machine gun at maraming mga bala.

Ayon kay Liguden, na kanila pang bina-validate ang report na matagal nang sympathizer ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang nasabing konsehal.

Ngunit mariing itinanggi ng suspek na isa siyang NPA sympathizer at kaniyang pag-aari ang mga baril na nakuha mula sa kaniyang bahay.

Aniya, isinangla lamang sa kaniya ang mga armas kung kaya’t wala siyang maipakitang dokumento.

Kasong illegal possession of firearms and ammunition at paglabag sa Comelec gun ban ang kahaharaping kaso ng suspek.