CENTRAL MINDANAO-Patay ang isang Municipal Councilor sa inilunsad na drug buybust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-BARMM) dakong ala 1:40 ng hapon ng Linggo sa Cotabato City.
Nakilala ang nasawi na si Jaymar Nandang,may asawa at Municipal Councilor ng Northern Kabuntalan Maguindanao.
Ayon kay PDEA-BARMM Regional Director Juvinal Azurin na naglunsad sila ng drug buybust operation malapit sa tahanan ng suspek sa Purveyor Subdivision Barangay Rosary Heights 11 Cotabato City katuwang ang City PNP, Marine Batallion Landing Team (MBLT-12) at City Drug Enforcement Unit (CDEU).
Sa gitna ng operasyon ay natunugan ni Nandang na mga otoridad ang kanyang ka-transaksyon kaya ito ay nanlaban.
Napilitan ang mga PDEA-Agent na gumanti ng putok kaya malubhang nasugatan si Councilor Nandang na agad namang naisugod sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot ng buhay o dead on arrival.
Narekober sa posisyon ng suspek ang isang kalibre.45 na pistola,1 magazine, mga bala,20 grams na shabu na nagkakahalaga ng P136,000.00, cellphone, buybust money at mga personal na kagamitan.
Sa ngayon ay pinaigting pa ng PDEA-BARMM ang kampanya kontra ilegal na droga sa Bangsamoro Region.