(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Nakatakdang palitan ng municipal engineering office ang ilang bahagi ng municipal hall at maging ang istasyon ng pulisya kasama ang barangay building sa bayan ng Kadingilan, Bukidnon.
Ito ay matapos magkaroon ng ilang pagkasira o pagkabitak na epekto sa naitalang 5.7 magnitude na lindol na nagdulot ng intensity 5 sa buong munisipalidad noong nakaraang kagabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Kadingilan Municipal Disaster Risk and Reduction Management Office head Sheen Therese Romo na kabilang sa nagkaroon ng mga pagkabitak ay ang mismong mayor’s office, sangguniang bayan hall.
Habang nagkaroon din ng pinsala sa ginagawang gymnasium sa lugar.
Sinabi ni Romo na sa 17 mga barangays na sakop ng munisipyo, dalawa lamang sa mga ito ang nagtala ng ilang pamilya na apektado dahil nakaranas ng partial na danyos ang tatlong kabahayan sa kasagsagan ng lindol.
Kasalukuyan din na naglilibot ang grupo sa iba pang barangay upang alamin kung mayroong naitala na anumang epekto ng pangyayari.
Bagamat, hindi masyadong nagdulot ng malaking pinsala ang lindol kagabi kumpara noong taong 2019 nang tumama ang 5.9 magnitude kung saan nailagay ang buong bayan sa state of calamity dahil nag-iwan ng walong katao ang sugatan at higit 100 pamilya ang apektado.