CAUAYAN CITY- Patuloy ang isinasagawang contact tracing ng lokal na pamahalaan ng Reina Mercedes, Isabela sa mga nakasalamuha ng lola na unang kaso ng COVID-19 sa naturang bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Romela Barangan, municipal health officer ng pamahalaang bayan ng Reina Mercedes, sinabi niya na ang unang kaso ng COVID-19 sa naturang bayan na 83 anyos na lola ay isang manghihilot at kabilang sa kanyang mga naging kliyente ay si patient CV 311 na taga Gamu, Isabela.
Nagkaroon ng pakikisalamuha ang naturang lola kay CV311 noong July 20, 2020 at dinala sa quarantine facility ng pamahalaang lokal July 28, 2020.
Bagamat nakaranas noon ng mga sintomas ng virus ang naturang lola ay bumuti na ang kanyang kalagayan at nailipat na rin sa Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Nahanap na ang ilan sa mga nakasalamuha ng naturang lola na kinabibilangan ng mga kaanak nito at ilan sa kanyang mga hinilot at naisailalim na rin sa swab test ang ilan.
Nilinaw naman ni Dr. Barangan na hindi nagtungo sa mga pampublikong lugar ang nasabing pasiyente ng COVID-19.
Sa kabila nito ay isinailalim sa dalawang araw na disinfection ang municipal hall ng bayan ng Reina Mercedes bilang precautionary measures ng COVID-19.
Dahil dito, karamihan sa mga tanggapan ng pamahalaang lokal ng Reina Mercedes ang nakasara bunsod ng isasagawang disinfection.