LA UNION – Nanggagalaiti sa galit na napasugod sa loob ng municipal hall ng bayan ng San Juan, La Union sina Senior Citizen Partylist Rep. Mila Magsaysay at ang anak nitong si Vice Mayor Miko Magsaysay dahil sa tangkang hindi pagpapagamit umano ni Mayor Arturo Valdriz sa gymnasium para sa pagpapatupad ng proyekto ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Nagalit umano ang mag-inang Magsaysay dahil hindi makapasok at nabibilad na sa araw ang mahigit 1,000 recipients ng” Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced” Workers Program (TUPAD) ng naturang departamento sa kabila ng nagbayad sila ng upa para makakuha ng permit sa paggamit ng gymnasium.
Kinuwestiyon ng kongresista ang umano’y pagpigil ng mayor sa naturang proyekto na kanyang hiniling mula sa DOLE.
Hinamon naman umano ng vice mayor ang alkalde ng suntukan dahil sa ginawa nitong pagtrato sa mga kababayan.
Dahil dito ay nagkaroon ng tensiyon sa loob ng municipal hall at napasugod rin ang mga pulis upang pahupain ito.
Samantala, hinihintay pa rin ng Bombo Radyo ang paliwanag ng magkabilang panig hingil sa insidente.
Sina Mayor Valdriz at Vice Mayor Magsaysay ay magkatunggali sa mayoralty race sa 2019 midterm election.