CENTRAL MINDANAO- Ginulantang ng sunod-sunod na pagsabog ang isang bayan sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Arnold Santiago na siyam na bala ng M203 grenade launchers ang sunod-sunod na pinaputok ng mga myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa bayan ng Mamasapano.
Sinabi ni Mamasapano Vice-Mayor Benzar Ampatuan na tumama sa fire station, water system at gilid ng municipal hall ang 40 mm high explosives.
Tangka na sanang kubkubin ng mga rebelde ang municipal hall ngunit mabilis na nagresponde ang mga myembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF),pulisya at 33rd Infantry Battalion Philippine Army.
Kaya agad umatras ang BIFF dahil sa nagtutulungan na pwersa ng pamahalaan at tulong ng MILF.
Wala namang nasugatan sa pagsalakay ng BIFF ngunit nagdulot ito ng sobrang takot sa mga sibilyan.
Paghihiganti ang motibo ng mga terorista ng masawi ang kanilang mga kasamahan sa PNP checkpoint sa Brgy Timbangan Shariff Aguak Maguindanao.
Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa Maguindanao.