GENERAL SANTOS CITY – Inamin ng alkalde ng bayan ng Isulan, Sultan Kudarat na mayroon ng pagbabanta na natanggap ang kanilang munisipyo noong nakaraang linggo pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan kay Isulan Mayor Marites Palasigue sinabi nito na sa unang pagkakataon ay nakatanggap sila ng tawag sa bantang pambobomba subalit ang mga negosyante ng Isulan ang maraming beses na ring pinapadalhan ng naturang threat sa pamamagitan ng text messages.
Ayon pa sa alkalde, mahigpit na seguridad ang kanilang isinagawa sa Isulan subalit nalusutan pa umano kung saan nakita sa CCTV camera na alas-5:30 a ng madaling araw ay iniwan ang motorsiklo sa harap ng bakeshop sa palengke na pinaniniwalaang may improvised explosive device.
Nanawagan naman ito sa mga gumawa ng krimen na tigilan na ang paghahasik ng karahasan sa lugar dahil kaawa-awa ang magiging biktima na mga inosenteng sibilyan o baka mga kamag-anak pa nila ang madamay.
Napag-alaman na walo ang sugatan sa naturang insidente.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad kung ano ang motibo at kung sino ang mga suspek.
Samantala una na ring kinilala ang ilan sa mga biktima na sina: Terencio Cagadas 35, male, Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat; Gerald Cartajena, 28, male, Surallah, South Cotabato; Jomar C. Aquino, 31, male, Isulan, Sultan Kudarat; Niño Biñas Virgo, 28, male, Isulan, Sultan Kudarat; Jarren Amigo, 24, male, Sampao, Isulan, Sultan Kudarat; Jay Carnaso, 30, male, Dansuli, Isulan, Sultan Kudarat at Nasim Salip Gulano, 29, male, Kalawag 1, Isulan, Sultan Kudarat.