Nanindigan ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa City na mananatiling ban sa kanilang syudad ang anumang uri ng paputok.
Sa kabila ito ng inilabas na guidelines sa mga posibleng maging biktima ng firecrackers sa kanilang lugar.
Ayon sa lokal na pamahalaan nag-isyu lamang sila ng protocol sa mga posibleng tamaan ng paputok, dahil may mga nagpupumilit pa rin talagang gumamit nito, kahit ipinagbabawal.
Nabatid na hindi rin naman lahat ng natatamaan ng paputok ay sila mismo ang nagsindi, dahil maraming pagkakataon na natalsikan lang sila ng firecracker o kaya sadyang hinagisan.
Panawagan ng Muntinlupa City government, gawin sanang ligtas at masaya ang pagsalubong sa bagong taon at umiwas sa disgrasya, kasama na ang pagpapaputok ng iba’t-ibang uri ng rebentador.
Ang nasabing syudad, kasama na ang Quezon City ang ilan lamang sa mga lugar na nagpapataw ng parusang multa at kulong sa mga napapatunayang gumagamit, nagbebenta at namamahagi ng anumang uri ng firecrackers.