Ibinasura ng Muntinlupa Regional Trial Court ang mga mosyon na isinampa ng mga leagal team’s ng Direktor na si Darryl Yap at aktor na si Vic Sotto kaugnay ng kanilang legal na alitan tungkol sa kontrobersyal na teaser ng pelikulang ‘The Rapists of Pepsi Paloma’.
Sa desisyon ng hukuman na may petsang Enero 14, tinanggihan ang kahilingan ni Yap na pagsamahin ang dalawang magkahiwalay na kaso ito ang petisyon ni Sotto para sa writ of habeas data na naglalayong alisin ang mga materyal na may kaugnayan sa pelikula, at ang kasong kriminal na isinampa ni Sotto laban kay Yap na nag-aakusa sa kanya ng 19 counts ng cyber libel.
Ipinasiya ng korte na ang dalawang kaso ay magkaibang klase, layunin, hurisdiksyon, at proseso, kaya’t hindi nararapat ang pagsasama ng mga ito. Ang mga kaso ng habeas data ay sumusunod sa mga tiyak na alituntunin, samantalang ang mga kaso ng cyber libel ay nasasaklaw ng Revised Rules of Criminal Procedure. Binigyang-diin ng hukuman na ang bawat kaso ay dapat magpatuloy nang hiwalay sa kani-kanilang forum.
Bilang karagdagan, tinanggihan din ng hukuman ang mosyon ni Sotto na maglabas ng show-cause order laban kay Yap dahil sa umano’y paglabag nito sa gag order. Inamin ng Muntinlupa RTC na ang post ni Yap ay hindi direktang nilabag ang gag order, ngunit binigyan ng babala ng korte si Yap na anumang paglabag sa hinaharap ay maaaring magkakaroon ng parusa.
Nilinaw din ng korte na bagaman inilabas nila ang writ, hindi ito isang takedown order tulad ng maling pagkaunawa ng kampo ni Sotto. Magpapatuloy ang mga legal na proseso, kung saan nakatakda ang preliminary hearing sa Enero 15 at ang summary hearing sa Enero 17, 2025. Ang kaso ay nakatutok sa mga alegasyon ni Sotto ng mga mapanirang at malisyosong pahayag sa teaser ng pelikula ni Yap.