-- Advertisements --

Naglabas na ng statement ang Miss Universe Philippines Organization ngayong araw na komokondena sa naging remarks ng pageant vlogger na si Adam Genato sa performance ng pambato ng Pilipinas sa Miss Universe 2024 na si Chelsea Manalo, ang hinirang bilang kauna-unahang Miss Universe continental queen of Asia.

Tinawag ng organisasyon na unfair, insensitive, hurtful at dismissive sa accomplishments ni Chelsea ang video commentary ng pageant vlogger.

Hindi din aniya nila papayagan ang pambubully at iresponsableng vlogging lalo na mula sa isang accredited MUPh media partner na kanilang malugod na tinanggap sa kanilang mga event.

Pinaalalahanan din ng organisasyon ang mga pageant vlogger na maging maingat sa pagbabahagi ng kanilang mga komento sa mga kandadita ng Pilipinas. Umaasa naman ang MUPh organization na maging responsable ang mga ito sa kanilang commentaries at pina-publish na content.

Ang paggawa aniya ng intensyonal na controversial statements para sa clout at engagement na nakakasira sa delegates ay kasuklam-suklam.

Una rito, matapos ang Miss Universe 2024 pageant na ginanap sa Mexico noong Nobiyembre 17, nagtapos sa top 30 semifinalists si Chelsea Manalo matapos mabigong makaabanse sa Top 12.

Sa video commentary naman ni Adam sa kaniyang social media platform, sinabi niya na kung ang ipinadalang pambato ng Pilipinas sa Miss Universe ngayong taon ay sina 2024 Miss Universe Philippines candidate Ahtisa Manalo o Christi McGarry, mas maganda sana umano ang ipinakita sa international pageant. Tila ikinumpara din niya si Chelsea kay Victoria Theilvig ng Denmark na kinoronahan bilang Miss Universe 2024 na aniya’y Barbie-looking.

Samantala, matapos naman umani ng mga batikos ang pageant vlogger, emosyonal itong humingi ng tawad mula kay Chelsea at kaniyang team, sa MUPH Organization at sa pageant fans.