Magandang balita para sa 80 opisyal at personnel ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil matatanggap na nila ang kanilang suweldo.
Isa ito sa natalakay kagabi nina Pangulong Rodrigo Duterte at BARMM chief minister Al Haj Murad Ibrahim sa kanilang pulong sa Malacañang.
Kabilang sa ipapalabas na pondo ng gobyerno ang nasa P59 million hanggang P69 million para sa kabuuang anim na buwang sahod ng mga taga-BARMM.
Nabatid na naantala ang pagpapasuweldo sa mga opisyal ng BARMM mula nang magsimula silang magtrabaho nitong Pebrero ngayong taon.
Ito’y dahil hindi pa kasali sa naipasang 2019 national budget ang pondo para rito at ang pinaiikot lamang nilang budget mula sa natira lamang sa pondo ng dating Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sinabi ni Murad, maibababa sa kanilang mga personnel ang kanilang naantalang suweldo sa lalong madaling panahon.
Kasama rin sa pulong kagabi ang 12 pang ministers ng BARMM, gayundin si Finance Sec. Sonny Dominguez, at si Agriculture Sec. Manny Piñol na napipintong ilipat bilang Mindanao Development Authority chairman.
Dito ipinakilala na umano ni Pangulong Duterte si Piñol bilang kanyang pointman sa BARMM pero tiniyak na hindi ito makikialam sa kanilang operasyon.